NLRC Kabilang sa Nangungunang Ahensya na Nakakuha ng Outstanding Rating sa DBM's 2024 Performance Review
Manila – Nakamit ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang pambansang pagkilala matapos na mapabilang, bilang isa sa 14 na ahensya ng gobyerno mula sa kabuuang 308, na nakatanggap ng Outstanding rating sa isinagawang 2024 Annual Agency Performance Review (AAPR) ng Department of Budget and Management (DBM). Nakapagtala ang Komisyon ng perpektong iskor na 5.00, dahilan upang maituring itong isa sa mga nangungunang ahensya sa bansa.
Isinasagawa taun-taon ang AAPR upang suriin ang pisikal, pinansyal, at kita ng lahat ng pambansang ahensya ng pamahalaan. Kabilang sa sinusukat dito ay hindi lamang ang mahusay na paggamit ng pondo, kundi pati na rin ang pagiging maagap at kalidad ng pagsusumite ng mga ulat, gayundin ang pagkakatugma ng mga output ng ahensya sa mga itinakdang plano at target ng pamahalaan.
Ipinahayag ni NLRC Chairperson Grace E. Maniquiz-Tan ang kanyang pasasalamat at pagmamalaki sa tagumpay ng Komisyon, na binibigyang-diin na ang Outstanding rating ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng NLRC na maghatid ng mabilis, makatarungan, at dekalidad na serbisyo habang pinapanatili ang pagiging bukas (transparency) at may pananagutan (accountability). Inialay niya ang pagkilalang ito sa masisipag na kawani ng Komisyon at tiniyak na ang nasabing tagumpay ay magsisilbing inspirasyon sa pagpapatuloy ng mga reporma, pagpapabuti ng operasyon, at higit pang mahusay na serbisyo publiko.
Sa pagkakamit ng perpektong iskor, ipinakita ng NLRC ang mahusay na pamamahala sa pananalapi, epektibong pagsusubaybay sa performance, at kahusayan sa paghahatid ng serbisyo. Pinatutunayan ng pagkilalang ito ang patuloy na pagtupad ng Komisyon sa mandato nitong magbigay ng mabilis, makatarungan, at makatuwirang pagresolba sa mga sigalot-paggawa.
Itinatampok din ng makabagong tagumpay na ito ang NLRC bilang isang modelo ng pananagutan at kahusayan sa pampublikong serbisyo, na lalo pang nagpapatibay sa pangako nitong isulong ang pagiging bukas, pagpapatupad ng mga reporma, at pagtataguyod ng pang-industriyal na kapayapaan.
#NLRCOutstanding #DBMPerformanceReview2024 #SerbisyongNLRC
Photo Credits: ABS-CBN & PTV