NLRC Nakipagtulungan sa DICT para sa Ligtas na Paglipat ng Digital na Impormasyon sa Pamamagitan ng PNPKI

Quezon City – Bilang bahagi ng adyenda nito tungo sa digitalisasyon, pinalakas ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang pakikipag-ugnayan nito sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang higit na mapaigting ang cybersecurity mechanisms ng Komisyon sa pamamagitan ng paggamit ng Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI).

Ang PNPKI ay isang inisyatibong pang-gobyerno na nagtitiyak ng ligtas na komunikasyon sa pagitan ng mga indibidwal, pribadong sektor, at mga ahensya ng pamahalaan. Nagbibigay ito ng virtual key na nag-e-encrypt o nagkukubli ng datos sa anyo ng code at idinadagdag ito sa mahahalagang transaksyon gaya ng email upang maprotektahan laban sa mga hacker.

Ayon sa DICT, ang sistemang ito ay nagtataguyod ng tiwala ng publiko sa mga serbisyong ibinibigay ng pamahalaan dahil tinitiyak nito ang ligtas at maaasahang transaksyon. Nagbibigay rin ito ng mas mabilis, mas episyente, at mas protektadong paghahatid ng mga serbisyo.

Alinsunod sa Seksyon 9 ng Administrative Order No. 04-01, Serye ng 2025 o NLRC ICT-Use Policy na nilagdaan ni NLRC Chairperson Grace E. Maniquiz-Tan noong Abril 4, 2025, inaatasan na ngayon ng Komisyon ang paggamit ng digital signatures sa lahat ng opisyal na dokumento at transaksyon. Kaugnay nito, nagsumite ang NLRC ng aplikasyon para sa PNPKI para sa paunang 29 tauhan mula sa Main Office at mga Regional Arbitration Branches (RABs).

Upang bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga opisyal at kawani ng NLRC, nagsagawa ang DICT ng orientation at training noong Agosto 8, 2025, sa NLRC Main Office at online sa pamamagitan ng Google Meet.

Sa naturang pagsasanay, tinalakay ni Jeniffer Canlas, PNPKI Registration Authority Lead at Information Technology Officer I, ang mga batayang konsepto ng PNPKI, partikular ang dalawang pangunahing sangkap nito: cryptography, na ginagamit para sa seguridad ng datos, at digital certificate, na ginagamit para sa pagkakakilanlan.

“Ang PNPKI ay nagiging daan para sa ligtas na electronic transfer ng impormasyon, at karaniwang ginagamit sa e-commerce, internet banking, at mga kumpidensyal na email. Ang mga ganitong kagamitan ay nakatutulong upang hindi madaling makompromiso ang ating datos. Ngunit mahalaga ring alam ng mga gumagamit ang kanilang pananagutan upang maprotektahan ang kanilang sarili laban sa mga scam,” binigyang-diin ni Canlas.

Ipinaliwanag din ni Canlas na ang implementasyon ng PNPKI ay may batayan sa ilang batas at regulasyon tulad ng E-Commerce Act, mga desisyon ng Korte Suprema sa electronic evidence, Government Procurement Policy Board Resolution 16-2019, Anti-Red Tape Authority Memorandum Circular 2020-06, at Commission on Audit Circular 2021-006.

Dagdag pa niya, ang PNPKI ay nakatutulong upang maisulong ang paperless workflow na nakababawas sa gastos ng organisasyon at nagpapabilis ng proseso. Hanggang Mayo 2025, mahigit 830,000 PNPKI accounts na ang nakarehistro sa DICT at mahigit 330,000 digital certificates ang na-activate sa buong bansa.

Ipinaliwanag din sa pagsasanay ang kahalagahan ng digital certificates – maliliit na file na ibinibigay ng DICT bilang patunay ng electronic identity ng isang indibidwal o makina – at digital signatures, na isang matematikal na pamamaraan upang tiyakin ang pagiging totoo, integridad, at non-repudiation ng mga elektronikong dokumento.

Ang hands-on training tungkol sa enrollment, pag-download, at pag-install ng digital certificate ay pinangunahan nina Engr. Philip John Abad, PNPKI Registration Authority Officer, at Frances Louela Joyce Reyes, PNPKI Registration Authority Assistant. Tinulungan nila ang mga kalahok sa paggamit ng digital signatures sa mga sample PDF gamit ang Adobe Reader at Foxit.

Sa kanyang closing message, ipinaabot ni Commissioner Gavino Meneses, Jr., Chairperson ng NLRC-Computer Emergency Response Team (NLRC-CERT) at Komisyoner ng Sixth Division, ang kanyang pasasalamat sa DICT-PNPKI Registration Authority team sa pagbabahagi ng kanilang kaalaman at kasanayan. Ibinahagi rin niya na magsasagawa ng hiwalay na pagsasanay at oryentasyon para sa mga Komisyoner ng NLRC.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, pinagtitibay ng NLRC ang pangako nito na maghatid ng ligtas, episyente, at makabagong serbisyo publiko, kasabay ng pagtupad sa mandato nitong magbigay ng mabilis, makatarungan, at patas na pagresolba ng mga sigalot sa paggawa.

#NLRCxDICT #Cybersecurity #LigtasNaTransaksyon