NLRC Nagpalabas ng Mahigit P689 Milyon sa Judgment Awards para sa Ikalawang Kwarter ng 2025

Quezon City – Iniulat ng National Labor Relations Commission (NLRC) Financial and Management Division (FMD) na umabot sa kabuuang ₱689,687,331.17 ang halagang naipalabas bilang judgment awards sa 2,856 manggagawang nagreklamo noong ikalawang kwarter ng 2025, saklaw ang mga buwan ng Abril hanggang Hunyo.

Ayon sa ulat ng FMD, ang halagang ito ay mula sa mga respondenteng natalo sa kaso o inutusang magbayad ng Komisyon para sa mga monetary claims ng mga manggagawa. Kabilang dito ang mga kasong may kinalaman sa illegal dismissal, kulang na pasahod, hindi pagbabayad ng mga benepisyo, at iba pang paglabag sa mga pamantayan sa paggawa.

Ipinahayag ng FMD na ang mga judgment award releases ay isinagawa alinsunod sa umiiral na mga panuntunan at financial procedures upang matiyak ang transparency, tamang oras ng pagbabayad, at pananagutan sa pamamahagi ng pondo sa mga apektadong manggagawa.

Binigyang-diin ni NLRC Chairperson Grace E. Maniquiz-Tan ang matibay na paninindigan ng Komisyon sa pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa at sa maagap na pagpapatupad ng mga desisyon sa paggawa. Aniya, ang pagpapalabas ng mahigit ₱689 milyon sa judgment awards ngayong ikalawang kwarter ng 2025 ay patunay ng dedikasyon ng NLRC na maghatid ng mabilis at makabuluhang hustisya sa mga manggagawa. Dagdag pa niya, sa likod ng mga bilang na ito ay libu-libong manggagawang naprotektahan ang karapatan at natulungan upang mapabuti ang kanilang kabuhayan.

Pinuri rin ni Chairperson Maniquiz-Tan ang pagsisikap ng mga kawani ng NLRC sa kanilang mabilis at maayos na pagproseso ng mga judgment awards, na inilarawan niyang mahalagang bahagi ng katarungan na higit pa sa paglilitis ng mga kaso.

Ang tagumpay na ito ay kaayon ng mandato ng Komisyon na ipatupad ang batas-paggawa nang patas at mabilis, at sumasalamin sa pangako nitong patuloy na magtamo ng tiwala ng publiko sa pamamagitan ng maagap at tapat na serbisyo.

Pinapayuhan din ng Komisyon ang mga stakeholders na manatiling maalam, humingi lamang ng tulong mula sa mga tanggapan ng NLRC kaugnay ng wastong proseso sa pagpapatupad ng monetary awards, at umiwas sa mga fixer at ambulance chasers.

#NLRC #JudgmentAward2025 #LaborJustice