NLRC Inilunsad ang Regular na Seremonyal na Panunumpa para sa mga Bagong Itinalaga at Naangat sa Posisyon
Quezon City — Pinasinayaan ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang opisyal na pagsisimula ng regular na seremonyal na panunumpa para sa mga bagong itinalaga at naangat sa posisyon na kawani, sa pangunguna ng Administrative Division, kasabay ng isinagawang flag-raising ceremony noong Agosto 11, 2025 sa NLRC Main Office, na may sabayang pagdalo sa pamamagitan ng Zoom mula sa iba’t ibang Regional Arbitration Branches (RABs) sa buong bansa.
Bahagi ito ng proseso ng oryentasyon at pormal na pagtanggap sa bagong kawani na itinatadhana ng mga alituntunin ng Civil Service Commission (CSC) upang matiyak na ang mga bagong kawani at mga naangat sa posisyon ay pormal na maisama sa organisasyon habang pinagtitibay ang kanilang paninindigan sa paglilingkod sa bayan.
Kabuuang 16 na empleyado, na itinalaga o naangat sa posisyon mula Hunyo hanggang Agosto 4, 2025, ang nanumpa ng kanilang tungkulin sa harap ni NLRC Chairperson Grace E. Maniquiz-Tan.
Kabilang sa mga nanumpa ay sina: (1) Atty. Renelyn H. Delos Santos – Attorney VI, 2nd Division; (2) Atty. Dane Louise P. Daytia – Attorney VI, 4th Division; (3) Atty. Delight Grace P. Ignacio – Attorney III, Legal and Enforcement Division (LED); (4) Atty. Ma. Christine Joyce A. Jacinto – Attorney III, LED; (5) Atty. Melani C. Calceta – Attorney III, LED; (6) Jennifer T. Lumiwan – Labor Arbitration Associate, NCRAB; (7) Ida Irmina L. Rosero – Labor Arbitration Associate, RAB V; ( 8 ) Ryan Lloyd A. Saycon – Labor Arbitration Associate, RAB XI; (9) Janssen O. Ocaña – Labor Arbitration Associate, RAB XII; (10) Michelle D. Elbore – Labor Arbitration Associate, Sub-RAB XII; (12) Almirah M. Diamel – Board Secretary IV, 8th Division; (13) Jessah Annis P. Supleo – Administrative Assistant V, 4th Division; (14) Antonio Ivan P. Beley – Administrative Assistant V, 5th Division; (15) Jovell Marjorie I. Lasco – Administrative Assistant V, 5th Division; (16) Danilo F. Del Rosario – Administrative Assistant V, LED; at (17) Michelle Ann A. Amparado – Administrative Assistant V, RAB XI.
Binati ni NLRC Second Division Presiding Commissioner Julia Cecily C. Sosito ang mga itinalaga at naangat sa posisyon, at inihatid ang kanyang mensahe sa wikang Filipino bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa. Pinuri niya ang kanilang dedikasyon at hinimok ang lahat ng kawani na patuloy na maghatid ng mahusay at episyenteng serbisyo alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. na palakasin ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
“Sa mga bagong na-promote, kinikilala ng opisina ang inyong dedikasyon at kasipagan sa trabaho. Nawa ay maging inspirasyon kayo sa iba. Sa mga bagong empleyado, binabati namin kayo. Maalab kayong tinatanggap ng pangkat ng NLRC. Sa ating lahat, tama lang na paminsan-minsan ay maipaalala sa atin ang ating tungkulin bilang kawani ng gobyerno,” aniya.
Ipinaalala rin ni Presiding Commissioner Sosito sa lahat ang pagsunod sa walong pamantayan ng asal ng mga opisyal at kawani ng gobyerno sa ilalim ng Republic Act No. 6713: paninindigan sa interes ng publiko, propesyonalismo, katarungan at katapatan, pagiging walang kinikilingan sa pulitika, pagiging maagap sa paglilingkod sa publiko, nasyonalismo at pagkamakabayan, paninindigan sa demokrasya, at payak na pamumuhay.
Sa pamamagitan ng bagong regular na seremonyal na panunumpang ito, muling pinagtitibay ng NLRC ang pangako nitong bumuo ng isang kompetente, etikal, at may malasakit sa serbisyo na pwersa ng paggawa na may kakayahang maghatid ng makatarungan, episyente, at tapat na hustisyang-paggawa para sa sambayanang Pilipino.
#NLRC #SeremonyalNaPanunumpa #BagongKawani